Friday, June 13, 2008

Taong Grasa

Malayo pa lang ay pinagtitinginan na ako ng mga taong nakakalat sa kalasada. Nakaukol sa akin ang ibatibang uri ng tingin. Pagtataka, panguuyam, pagkaawa, pagkatakot at pagtatanong. Ang bawat madaanan ko ay unti unting nahahawi. Nagbibigay daan sa aking makitid na paglalakbay. Gusto ko silang kausapin ngunit para saan? Kakausapin ba nila ako pabalik? Hindi. Lalayo lamang sila kasama ang mga kasagutang minimithi kong makamtan ngunit patuloy na ipinagdadamot ng pagkakataon. Gusto ko silang hawakan. Maramdaman ang init na nagmumula sa ibang katawan, makita ang salaming umaaninag sa ibang pagkatao...pero sa tuwing gagawin ko yun. Hungkag na hangin ang pumipigil sa akin...at sila'y tatakbo...palayo...

Ilang taon na rin akong ganito. Pakalat kalat sa kalsada. Walang siguradong pinanggalingan at walang siguradong patutunguhan. Sa tuwing kinakausap ko ang aking sarili'y may naririnig akong mga sagot ngunit alam kong hindi iyon nanggaling sa akin. Pinagkakaitan ko ng kalayaan ang aking mga mata upang makita ang toong liwanag ng buhay. Sumisigaw ang isang parte ng aking pagkatao...nagpupumiglas na magising. Kung bakit mayroong patuloy na paghimlay sa aking diwa, isa nanamang karagdagang katanungan para sa kasagutang wala atang nakakaalam.

Masdan mo ako. Ang aking gulagulanit na damit. Ang masangsang na amoy na nagmumula sa aking marungis na katawan na nababalutan ng itim na panglabas kong kaanyuan. Ang aking mahabang buhok na tumigas na sa dumi at sikat ng araw. Ang mga kuko kong nanlilimahid at kinapitan ng lupang nagmula pa sa haba ng aking nadaanan. Ang mga matang namumula at nakakatakot titigan...Nakita mo ba ang damdamin ko? Gusto kong makita mo ang aking puso at ang mga natatangi kayamanang doon nakaimpok...nanaisin mo ba?

Patuloy ako sa paglalakbay...dala ang aking kumakalam na sikmura. Salamat sa basura. Tulay ko sila sa pagtawid sa isang uri ng aking pangangailangan. Dapit hapon na pala. Kailangan ko pang patuloy na maglakbay. pansamantala...ilalagay ko muna ang umiinog kong mundo sa isang sulok ng madumi at mapanghing kalsada. Langhapin ang lahat ng usok na ibinubuga ng makabagong karwahe ng buhay. Baka sakaling sa pagupo ko doon ay makita ko ang susing matagal ko nang hinahanap. Sayang, nais kong ngumiti sa'yo at kausapin ka...Nais kong ilahad ang madaming bagay ng aking pagkatao. Ang luha at galit...ang alaala...ang ligaya...nawawala sila.

Nais kong ngumiti sa'yo...dahil alam ko na iyon lamang ang tanging bagay na maiibibigay ko. Ipinagkait ng lupa ang maraming bagay sa akin. Gusto mo ba akong makita? Gusto mo bang sumama? Sa mundong madilim...

npakapalad mo dahil muli mong makikita ang sinag ng umaga... Kapag nangyari 'yon...
maari mo ba akong ihalik sa kaniya?

nagmamahal,
taong grasa

3 comments:

Anonymous said...

ang buhay ng tao ay hindi lamang umiinog sa ating sarili. sa ibang tao at sa mga bagay na di man natin nakikita, pero maaring madama. maraming mga bagay na sa tingin natin una palang ay ipinagkait na. namnamin natin ang buhay, ang sarap nito at hindi ang kalungkutan dulot ng mga suliraning bumabalot sa labas ng ating mga pagkatao. ang pag-iisip ay hindi lang sa pamamagitan ng mga bagay na ating mga nakikita, maari rin namang sa mga bagay na ating nararamdaman. huwag nating hayaan na pangunahan ng kawalan ng pag-asa ang mga bagay. kung gusto mong ngumiti, tumawa ka. kung gusto mong lumuha, umiyak ka. kung gusto mong magsaya, magliwaliw ka.. Huwag mong limitahan ang iyong sarili sa mga bagay na gusto mong gawin. kung hindi.. ingungudngud ko muka mo sa semento. gaga!

-benteAnyos

Anonymous said...

sadyang makipot at mahirap lakbayin ang kalsada ng buhay.. maswerte ka kung sa iyong paglalakbay, mayroon kang isa o dalawang nakakasabay... ang iyong pag-iisa at ang iyong pagdurusa ay hindi dapat maging hadlang upang iyong masilayan ang liwanag ng buhay. ang madilim na daanang iyong tinahak ay pansamantala lamang kung susubukan mong buksan ang iyong puso at isipan sa mga bagay na mas mahalaga pa sa karangyaang sinasamba ng iba. Wag kang matakot umiyak at tumawa dahil hindi ka nag-iisa, may isang taong lihim na sumasabay sayo. isang kaibigan na ang iyong puso ang nagsisilbing tirahan. Tumatawa pag masaya ka, umiiyak pag nasasaktan ka, nagbibigay lakas pag natatakot ka at hindi bumibigay kahit pa sabihin mong hindi mo na kaya. Namnamin mo lang ang kadilimang iyong nilalakbay dahil sa di kalayuan ay may naghihintay na bituin upang sayo ay gumabay...



~bhesssy

Anonymous said...

Wow. thumbs up ako sa inyong mga postings. since everything is well written in Tagalog. kudos to yo guys that you can actually write and compose straight tagalog. and take note the grammar- almost perfect. Pinahanga niyo ako. mabuhay ang Pilipino language !